Nupco’s Weblog

Just another WordPress.com weblog

Panununtok ng mga tauhan ni kapitan sa mga miyembro ng NUPCO, kinondena

Kinokondena ng National Urban Poor Coalition ang nangyaring pananakit ng mga miyembro ng Barangay Peace, Security and Order (BPSO) sa mga kababaihan sa North Triangle, Quezon City, na miyembro ng San Roque Community Council – Kasama Pilipinas. Napag-alaman ng NUPCO sa mga miyembro nito sa lugar na ipinadala diumano ni Barangay Kapitan Fermin Bilaos ang nasabing mga miyembro ng BPSO. Ang Kasama Pilipinas ay isa sa mga aktibong kasapi ng NUPCO.

Nangyari ang insidente bandang 9-10 ng umaga noong ika-17 ng Enero 2009 sa tapat ng Productivity Center ng San Roque Community Council kung saan sinubukang harangin at pigilan ng may 40 kababaihan ang mga miyembro ng BPSO na giniba ang pinto ng upisina sa pagpipilit na buksan ito upang tirhan daw ng mga ipinadala ni Kapitan na mga sundalong magbabantay sa nasabing lugar.

Ayon kay Myrna Lacdao, acting chairman ng SRCC-Kasama Pilipinas na pinakamalaking organisasyon ng mga naninirahan sa nasabing komunidad, dalawang kasamahan nilang babae ang lubos na nasaktan nitong mga tauhan ni kapitan. Si Linda Sumayang sinuntok sa mukha at si Lovely Babon ay sa ulo naman. Samantala, ang isang kabataang kumukuha ng mga litrato, si Joeremi Loberamas, ay sinugod din nitong BPSO at pinagbantaang papatayin at ibuburol diumano doon sa San Roque.

Matagal na diumanong may alitan ang grupong SRCC at si kapitan. Isa sa sinasabing dahilan ay ang magkaibang posisyon sa proyektong Quezon City-Central Business District na naglalayong gawing sentro ng komersyo sa QC ang North at East Triangle.

May 16,000 pamilya sa North Triangle ang nakaambang malipat o mawalan ng tirahan at ikabubuhay na posibleng idulot ng nasabing proyekto. Noong itayo lang ang Trinoma sa lugar ay halos 7,000 pamilya ang nawalan ng tirahan doon. Balak diumanong ganap na maipatupad ang QC-CBD project sa taong 2010.

Ang posisyon ng SRCC ay magkahalong plano sa pagpapaunlad ng North at East Triangle bilang isang sonang komersyal at residensyal na may puwang para sa paninirahan at pang-ekonomiyang aktibidad ng nakaririwasa at ng mahihirap (high-end and low-end commercial and residential mixed-use development). Tatayuan ng medium rise building (MRB) para sa mga residente doon. Ang unang palapag ay gagamitin para sa negosyo o hanapbuhay ng mga residente. Sa paraang ito ay patuloy na makapanirahan sila doon.

Ayon kay Lacdao, “Maging ang asensadong lugar ay nangangailangan din ng mga maliliit na taong tulad namin. Kami ang mga karpintero, waitress, tindera, at iba pang nagbibigay ng lakas-paggawa na kailangan din sa pag-unlad. Mahirap man kami, kakayanin naming magbayad sa aming titirhan masiguro lamang ang makatao naming pamumuhay. Higit sa lahat, kami ay may karapatan din sa disenteng tahanan at makataong pamumuhay.” Maging ang National Urban Poor Coalition (NUPCO) at ang Institute for Popular Democracy ay kasama nilang naninindigan sa alternatibong isinusulong.

Samantala, ang kapitan naman ay payag sa plano ng Tri-Dev Commission na bigyan ng kompensasyon at ilipat na lang ang mga residente doon. Ang TriDev ay pinamumunuan ni Vice President Noli de Castro at ni Quezon City Mayor Sonny Belmonte.

Nangangamba ang mga residente laluna ang mga kababaihan ng SRCC na patuloy na malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay hangga’t hindi binibigyang aksyon ng lokal na pamahalaan at ng TriDev Commission ang posisyon ng mga tao doon.

Advertisements

January 17, 2009 Posted by | 1 | Leave a comment

Ang Pampulitikang Kabuluhan ng Pagkilos para sa Proteksyong Panlipunan

(pananalita ni  VFC Mesina, NUPCO National Council, sa Asembliya ng mga Maralitang Lungsod: “Ang Epekto ng Pandaigdigang Krisis at ang Tugon ng Kilusang Maralita,” Disyembre 2, 2008, PRRM Bldg, QC)

Sa pagtingin ng NUPCO, ang kasalukuyang pandaigdigang krisis pampinansya ay totoong krisis ng sistemang kapitalismo at totoong dadapo sa Pilipinas. Naging tampok sa pandaigdigang usapin ang kabuluhan at kawalan ng tiyak na patutunguhan mga mamamayan sa kapitalismos. Kung ang babagsak ang kapitalismo, sino ang madadaganan? Kumpara sa kung paano umaangkop ang mga taga-Amerika sa krisis ang mga Pilipino ay matagal nang nagtitiis sa kahirapan at sa pagdating pa ng pandaigdigang krisis sa Pilipinas ay mas higit pang mahihirapan.

Hindi naiintindihan ng mamamayan kung ano ang krisis. Malamang ay nagkamali rin sa direksyon kung ano ang tutumbukin at saan dadalhin ang kilusang masa. Mahina ang kilusang masa, patunay nito ang pananatili ni GMA sa poder. Noong mahina si GMA ay mas mahina ang kilusang masa at hindi pinapansin ng gobyerno. Ang dahilan, hanggang ngayon ang pinag-uusapan ay kung paano magsasama-sama, kaninong bandera ang nasa harapan, o kung ilan ang miyembro ng bawat organisasyon.

Ang krisis para maralitang Pilipino ay hindi na bago, papatindihin lang ito ng papadating na krisis. Sa daloy ng pagsasamantala, pinagsasamantalahan ng mayayamang bansa ang mahihirap na bansa. Halimbawa ay kung paano tumatakbo ang ekonomiya ng Estados Unidos sa pamamagitan paghuthot ng pera at yaman mula sa mahihriap na bansang katulad ng Pilipinas. Sa kabilang banda, ang mayayaman at mga local na elitista naman ng mahihirap na bansa ay pinagsasamantalahan ang kanilang mamamayan. Kaya hanggang ngayon ang mayorya ngmga Pilipino ay mahihirap, at patuloy pang humihirap. Ang mamamayan ng mahihirap na bansa ang matagal nang sumasalba sa ekonomiya ng mayayamang bansa na katulad ng Estados Unidos. Pagpasok ng krisis sa Pilipinas ay lalo pang mababaon ang mga mahihirap na Pilipino.

Sa panahon ng krisis ay dapat na maninigil ang mga maralitang Pilipino, bawiin ang inagaw sa atin. Sa paanong pamamaraan? Igiit sa gobyerno na ang mga subsidiyong binibigay ng gobyerno ay mapakinabangan ng lahat ng mahihirap (hal. Rice subsidy, emergency employment) at hindi dapat na gamitin lamang sa pansariling pulitikal na interes. Igiit sa gobyerno ang karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, edukasyon kasama ang akses sa tubig at kuryente. Maghanda para ang mga kahilingan ay mapagtulong-tulongan sa konteksto ng karapatang pantao.

Ang mga kahilingan ay may kinalaman sa mga polisiya. Sa pagharap sa krisis ay kwestyon ng polisiya at adbokasiya, hindi idolohiya. Kailangang makapagsama-sama dahil hindi maabot ang mga kahilingan lkung hiwa-hiwalay, lagpasan muna ang ideolohiya at pagtulong-tulongan mabago ang mga polisiya.

Ano ang mga dapat na tingnan sa krisis?

1. Magkaroon ng proteksyon ang mamamayang madadaganan ng pagbagsak ng ekonomya.

2. Magamit ang krisis bilang oprotunidad sa pagpapalakas ng kilusang masa

3. Maipatampok ang mga isyu an nararapat maibigay sa maralita.

Ang tanong ay kung paano patatampukin ang mga isyu habang nakikipag-usap sa gobyerno. Alam nating may mga ginagawa ang gobyerno na maaring pampropaganda lamang at para makuha ang simpatiya ng mahihirap, pero ginagamit lamang ito para sa kanilang pampulitikang interes. Pero pwede natin itong tuntungan. Hubaran natin ng maskara ang gobyerno ni GMA na ang lahat ng kanyang ginagawa ay ‘pampogi’ lang. At kung sakali mang maibigay nya ito lahat ay dapat na makuha natin ang kredito.

Ang hinahangad natin ay maibalik ang kredibilidad ng kilusang masa bilang tagapagligtas ng mamamayan, at sa puntong makukuha natin ang kredito ay lalakas ang kilusang masa.

Ilang mga taktika. Hindi natin maiiwasang makipag-usap sa pamahalaan, direkta man o hindi. Tuntungan natin ang mga media event ni GMA kung kailan at saan sya namimigay ng mga subsidyo. Gawin din nating media event kung tayo naman ang hihingi ng bahagi ng kanyang subsidyo.

Kailangan natin ng epektibong edukasyon sa mga kinikilusan natin. Maipaunawa sa kanila na an gating hinihingi ay hindi limos kundi mga karapatan. Kailangan din ang media at mga opinion makers, kasama ang simbahan, na silang pinapakinggan ng maraming tao.

Palaparin natin an gating hanay, na syang magbibigay din sa atin gn kredito. Dahil kung tayo, ang mga masa ay nagkakaisa sa mga adhikain kahit sa isang panahon lang, kahit sa panahon lang ng krisis. Ito ay isa nang malaking bagay para sa atin. Sa ngayon ang mahalaga ay kagyat na maibsan ang kahirapan na kayang abutin n gating taktika. Kung may isang lugar na na-proklama ang palupa, o kung may nabigyan ng trabaho, malaking bagay na iyon sa kilusang masa.

Magkaroon tayo ng kontribusyon sa paglakas ng kilusang masa. Kung ibibigay ng pamahalaan ang mga ipinaglalabang agarang solusyon, kahit pansamantala lang ay garantiya ng buhay ng maralita na malayo sa kagutuman at isang hakbang para sa isang makataong pamumuhay sa gitna ng krisis.

Tahanang makatao, sapat na pagkakakitaan, mapakain ang pamilyamapag-aral ang mga anak, ito ang gusto ng mga maralita. Hindi hangad ng maralita ang ang marangyang pamumuhay. Ang tanging hangad ng maralita ay isang makataong pamumuhay.

January 17, 2009 Posted by | Activities with other networks, ACTIVITIES/ACTIONS, POSITION PAPERS | , , | Leave a comment