Nupco’s Weblog

Just another WordPress.com weblog

Ang Pampulitikang Kabuluhan ng Pagkilos para sa Proteksyong Panlipunan

(pananalita ni  VFC Mesina, NUPCO National Council, sa Asembliya ng mga Maralitang Lungsod: “Ang Epekto ng Pandaigdigang Krisis at ang Tugon ng Kilusang Maralita,” Disyembre 2, 2008, PRRM Bldg, QC)

Sa pagtingin ng NUPCO, ang kasalukuyang pandaigdigang krisis pampinansya ay totoong krisis ng sistemang kapitalismo at totoong dadapo sa Pilipinas. Naging tampok sa pandaigdigang usapin ang kabuluhan at kawalan ng tiyak na patutunguhan mga mamamayan sa kapitalismos. Kung ang babagsak ang kapitalismo, sino ang madadaganan? Kumpara sa kung paano umaangkop ang mga taga-Amerika sa krisis ang mga Pilipino ay matagal nang nagtitiis sa kahirapan at sa pagdating pa ng pandaigdigang krisis sa Pilipinas ay mas higit pang mahihirapan.

Hindi naiintindihan ng mamamayan kung ano ang krisis. Malamang ay nagkamali rin sa direksyon kung ano ang tutumbukin at saan dadalhin ang kilusang masa. Mahina ang kilusang masa, patunay nito ang pananatili ni GMA sa poder. Noong mahina si GMA ay mas mahina ang kilusang masa at hindi pinapansin ng gobyerno. Ang dahilan, hanggang ngayon ang pinag-uusapan ay kung paano magsasama-sama, kaninong bandera ang nasa harapan, o kung ilan ang miyembro ng bawat organisasyon.

Ang krisis para maralitang Pilipino ay hindi na bago, papatindihin lang ito ng papadating na krisis. Sa daloy ng pagsasamantala, pinagsasamantalahan ng mayayamang bansa ang mahihirap na bansa. Halimbawa ay kung paano tumatakbo ang ekonomiya ng Estados Unidos sa pamamagitan paghuthot ng pera at yaman mula sa mahihriap na bansang katulad ng Pilipinas. Sa kabilang banda, ang mayayaman at mga local na elitista naman ng mahihirap na bansa ay pinagsasamantalahan ang kanilang mamamayan. Kaya hanggang ngayon ang mayorya ngmga Pilipino ay mahihirap, at patuloy pang humihirap. Ang mamamayan ng mahihirap na bansa ang matagal nang sumasalba sa ekonomiya ng mayayamang bansa na katulad ng Estados Unidos. Pagpasok ng krisis sa Pilipinas ay lalo pang mababaon ang mga mahihirap na Pilipino.

Sa panahon ng krisis ay dapat na maninigil ang mga maralitang Pilipino, bawiin ang inagaw sa atin. Sa paanong pamamaraan? Igiit sa gobyerno na ang mga subsidiyong binibigay ng gobyerno ay mapakinabangan ng lahat ng mahihirap (hal. Rice subsidy, emergency employment) at hindi dapat na gamitin lamang sa pansariling pulitikal na interes. Igiit sa gobyerno ang karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, edukasyon kasama ang akses sa tubig at kuryente. Maghanda para ang mga kahilingan ay mapagtulong-tulongan sa konteksto ng karapatang pantao.

Ang mga kahilingan ay may kinalaman sa mga polisiya. Sa pagharap sa krisis ay kwestyon ng polisiya at adbokasiya, hindi idolohiya. Kailangang makapagsama-sama dahil hindi maabot ang mga kahilingan lkung hiwa-hiwalay, lagpasan muna ang ideolohiya at pagtulong-tulongan mabago ang mga polisiya.

Ano ang mga dapat na tingnan sa krisis?

1. Magkaroon ng proteksyon ang mamamayang madadaganan ng pagbagsak ng ekonomya.

2. Magamit ang krisis bilang oprotunidad sa pagpapalakas ng kilusang masa

3. Maipatampok ang mga isyu an nararapat maibigay sa maralita.

Ang tanong ay kung paano patatampukin ang mga isyu habang nakikipag-usap sa gobyerno. Alam nating may mga ginagawa ang gobyerno na maaring pampropaganda lamang at para makuha ang simpatiya ng mahihirap, pero ginagamit lamang ito para sa kanilang pampulitikang interes. Pero pwede natin itong tuntungan. Hubaran natin ng maskara ang gobyerno ni GMA na ang lahat ng kanyang ginagawa ay ‘pampogi’ lang. At kung sakali mang maibigay nya ito lahat ay dapat na makuha natin ang kredito.

Ang hinahangad natin ay maibalik ang kredibilidad ng kilusang masa bilang tagapagligtas ng mamamayan, at sa puntong makukuha natin ang kredito ay lalakas ang kilusang masa.

Ilang mga taktika. Hindi natin maiiwasang makipag-usap sa pamahalaan, direkta man o hindi. Tuntungan natin ang mga media event ni GMA kung kailan at saan sya namimigay ng mga subsidyo. Gawin din nating media event kung tayo naman ang hihingi ng bahagi ng kanyang subsidyo.

Kailangan natin ng epektibong edukasyon sa mga kinikilusan natin. Maipaunawa sa kanila na an gating hinihingi ay hindi limos kundi mga karapatan. Kailangan din ang media at mga opinion makers, kasama ang simbahan, na silang pinapakinggan ng maraming tao.

Palaparin natin an gating hanay, na syang magbibigay din sa atin gn kredito. Dahil kung tayo, ang mga masa ay nagkakaisa sa mga adhikain kahit sa isang panahon lang, kahit sa panahon lang ng krisis. Ito ay isa nang malaking bagay para sa atin. Sa ngayon ang mahalaga ay kagyat na maibsan ang kahirapan na kayang abutin n gating taktika. Kung may isang lugar na na-proklama ang palupa, o kung may nabigyan ng trabaho, malaking bagay na iyon sa kilusang masa.

Magkaroon tayo ng kontribusyon sa paglakas ng kilusang masa. Kung ibibigay ng pamahalaan ang mga ipinaglalabang agarang solusyon, kahit pansamantala lang ay garantiya ng buhay ng maralita na malayo sa kagutuman at isang hakbang para sa isang makataong pamumuhay sa gitna ng krisis.

Tahanang makatao, sapat na pagkakakitaan, mapakain ang pamilyamapag-aral ang mga anak, ito ang gusto ng mga maralita. Hindi hangad ng maralita ang ang marangyang pamumuhay. Ang tanging hangad ng maralita ay isang makataong pamumuhay.

January 17, 2009 Posted by | Activities with other networks, ACTIVITIES/ACTIONS, POSITION PAPERS | , , | Leave a comment

Manifesto ng mga Taga-Parola

Kasiguruhan sa Makataong Paninirahan at Pamumuhay ng Maralitang Lungsod

Deklarasyon ng Pagkakaisa at Paninindigan
Hinggil sa kasiguruhan sa palupa at pabahay para sa mga taga-Parola

Kung saan, may hindi bababa sa halos dalawampung libong pamilya ang hindi lang dalawang dekada nang naninirahan sa Parola. Marami ang nagkapamilya, nagkaanak, at nagkaapo na sa lugar na ito. Sa kasalukuyan, malaking porsyento ng populasyon ay mga kababaihan at kabataan.

Kung saan, ang karapatan sa pabahay at makataong pamumuhay ay isa sa mga pundamental na karapatang pantao na kinikilala hindi lang ng mga pandaigdigang tratado, kasunduan, at konbensyon, kundi pati ng ating konstitusyon. Karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng disente, maayos, tahimik at may dignidad na pamumuhay.

May sinusunod na pitong (7) pamantayan para sa pabahay ang United Nations Declaration of Economic, Social, and Cultural Rights: seguridad sa paninirahan, serbisyo publiko, mura at karampatang subsidyo, angkop na paninirahan, aksesibilidad sa publiko, lokasyon, at integresyong kultural.

Maging ang ating sariling batas, ang Republic Act No. 7279 o ang Urban Poor Development and Housing Act, ay nagsasaad ng ilang rekisito sa pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng maralita sa pabahay. Ilan dito ay ang direktang pagtatayo ng pasilidad para sa sosyalisadong programa sa pabahay (socialized housing program) at may partisipasyon ng pribadong sektor sa pagbibigay ng 20% ng kanilang capital investment tax o spatial allotment sa kanilang mga housing development projects.

Kung saan, si Gloria M. Arroyo mismo ay nilagdaan ang Proklamasyon bilang 96 noong 2001 , Proklamasyon bilang 571 noong 2004, at Executive Order 108 na nagdedeklara na ang ilang bahagi ng Parola ay lupang ibinibigay para sa pabahay ng mga naninirahan doon. Subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipapatupad ang mga nasabing proklamasyon at kautusan.

Kung kaya, kaming mga mamamayan sa Parola Compound pati na sa Isla Puting Bato sa Lungsod ng Maynila at mga indibidwal at organisasyong naniniwala sa pakikipaglaban sa karapatan ng mga maralita sa makataong pamumuhay at paninirahan ay nagkakaisa sa mga sumusunod na panawagan at hakbang:

1. IPATUPAD ANG MGA PROKLAMASYONG NAGDEDEKLARA NG LUPANG PABAHAY SA PAROLA. Bigyan ng mga titulo ng lupa ang mga naninirahan sa Parola. Ito ang maggagarantiya sa atin ng katiyakang hindi tayo mapapaalis pa dito sa Parola. Magpasa ng resolusyon ang lokal na pamahalaan upang siguruhin ang pagpapatupad nitong mga proklamasyon at pamamahagi ng titulo sa mga mamamayan.

2. PALAWAKIN PA ANG SAKOP NG MGA PROKLAMASYON. Dapat ay buong Parola, Binondo at Tondo kasama ang Isla Puting Bato, ang sakupin ng programang palupa na ating hinahangad. Dapat ding magkaroon ng programa para magkaroon ng makataong paninirahan ang mga nainirahan sa ibabaw ng dagat katulad ng mga nasa Isla Puting bato. Walang dapat maiwan sa kawalang katiyakan sa paninirahan.

3.MAGKAROON NG TAUNANG AWTOMATIKONG 5 PORSYENTONG (5%) ALOKASYON MULA SA BADYET NG PAMAHALAANG PANGLUNGSOD. Dapat magkaroong ng awtomatikong alokasyon para sa palupa at pabahay para sa mga maralita upang matiyak ang badyet para dito. Wala nang magiging dahilan pa upang hindi matulungang magkaroon ng seguridad sa makataong paninirahan ang mga maralitang mamamayan kapag meron nang pondo para dito.

4.ITATAG ANG LOCAL HOUSING BOARD AT SIGURUHIN ANG PAGKAKAROON NG TAMANG REPRESENTASYON NG MAMAMAYAN DITO. Ang tagumpay ng pakikipaglaban para sa palupa at pabahay ay higit na magkakaroon ng katiyakan kung may kapangyarihan ang mamamayan, laluna ang mga maralita, sa pagdedesisyon sa pondong nakalaan para sa kanila at pagtitiyak na ito’y makakarating sa kanila.

Sa harap ng krisis na nararanasan natin ngayon, dignidad na lang ang meron tayong mga mahihirap. Ang ating mga bahay ay katumbas ng ating dignidad. At ang paggiba sa ating mga bahay ay katumbas ng paggiba sa ating dignidad. Kung kaya’t hindi dapat mawala ang ating mga bahay. Ipaglaban ang karapatan sa makataong paninirahan at pamumuhay.

July 10, 2008 Posted by | Parola, POSITION PAPERS | , , , , , , , , , | Leave a comment

Deklarasyon ng Pagkakaisa at Paninindigan Hinggil sa Planong Central Business District ng Quezon City

Kasiguruhan sa Makataong Paninirahan at Pamumuhay ng Maralitang Lungsod

Deklarasyon ng Pagkakaisa at Paninindigan
Hinggil sa Planong Central Business District ng Quezon City

Samantalang, labing-anim na libong pamilya sa North at East Triangle at daan-daang empleyado ng Veterans Memorial Medical Center at Ninoy Aquino Parks and Wildlife ang apektado sa pagpapatupad ng Quezon City – Central Business District na itinatadhana ng Executive Order Nos. 620 at 620-A, at (may) malaking bilang ng populasyon dito ay kababaihan at mga batang 11 taon gulang pababa na nahaharap sa dislokasyon at maging sa sosyal at sikolohikal na epekto nito;

Samantalang, ang karapatan sa pabahay at makataong pamumuhay ay isa sa mga pundamental na karapatang pantao na kinikilala hindi lang ng mga pandaigdigang tratado, kasunduan, at konbensyon, kundi pati ng ating konstitusyon. Karapatan ng bawat isang mamamayan na magkaroon ng disente, maayos, tahimik at may dignidad na pamumhay.

May sinusunod na pitong (7) pamantayan para sa pabahay ang United Nations Declaration of Economic, Social, and Cultural Rights: seguridad sa paninirahan, serbisyo publiko, mura at may karampatang subsidyo, angkop na paninirahan, aksesibildad sa publiko, lokasyon, at integresyong kultural.

Maging ang ating sariling batas, ang Republic Act No. 7279 o ang Urban Poor Development and Housing Act, ay nagsasaad ng ilang rekisito sa pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng maralita sa pabahay. Ilan dito ay ang direktang pagtatayo ng pasilidad para sa sosyalisadong programa sa pabahay (socialized housing program) at may partisipasyon ng pribadong sektor sa pagbibigay ng 20% ng kanilang capital investment tax o spatial allotment sa kanilang mga housing development projects.

Kung kaya, kaming mga naninirahan sa nabanggit na mga lugar kasama ang iba’t ibang mga grupo at indibidwal na nagtataguyod ng karapatan ng mamamayan partikular ng maralita ay naglalahad ng sumusunod na posisyon ukol sa usapin ng pagpapatupad ng plano para sa Quezon City-Central Business District:

1. Tiyakin ang pananatili ng lahat ng mga kwalipikado at kasalukuyang naninirahan sa lugar.

2. Ipatupad ang magkahalong plano sa pagpapaunlad ng North at East Triangle bilang isang sonang komersyal at residensyal na may puwang para sa paninirahan at pang-ekonomiyang aktibidad ng nakaririwasa at ng mahihirap (high-end and low-end commercial and residential mixed-use development).

3. Maglaan ng 11 ektarya mula sa kabuang 29.19 ektarya ng North Triangle at 5 ektarya naman sa East Triangle para sa pabahay ng maralita sa anyo ng medium-rise buildings (MRBs) na sapat para sa kwalipikado at kasalukuyang naninirahan dito.

4. Gamitin ang bahagi ng kita mula sa komersyal na gamit ng lupa bilang pondo para sa pabahay ng maralita sa lugar.

5. I-mobilisa ang lahat ng programa ng gobyerno at iba pang institusyon para sa pabahay ng maralita gaya ng sumusunod:

Abot Kaya Pabahay
 Cooperative Housing
Gawad Kalinga
 Group Land Acquisition and Development

6. I-desenyo ang mga MRB na abot-kaya, may apat na palapag, at sukat na 35 hanggang 40 metro kwadrado (square meters) bawat yunit na pamamahalaanan ng konseho ng mga residente sa bawat gusali para sa magkahalong gamit ng pabahay at gawaing pangkabuhayan ng maralita (halimbawa: mga tindahan, palengke, at talyer sa unang palapag, at mga pabahay sa mga susunod na palapag).

7. Tiyakin ang regular na paghahatid ng mga batayang serbisyo gaya ng serbisyong patubig, kuryente, kalsada, at pangkalusugan.

8. Tiyakin ang partisipasyon ng mga mamamayan, partikular ang San Roque Community Council – North Triangle Alliance (SRCC-NTA) sa TRIDEV Commission, bilang pagtalima at pagkilala sa isang balangkas ng pagpapaunlad na pinapatakbo sa pamamagitan ng pamayanan (community-driven development framework).

9. Tiyakin ang karapatan ng mamamayan na makakuha ng wastong impormasyon hinggil sa anumang balakin para sa planong Central Business District ng Quezon City.

Sa araw na ito, ang mga nakalahad na posisyon ay pinagkakaisahang isulong na may kaakibat na karampatang pagkilos.

July 7, 2008 Posted by | North Triangle, PILOT CAMPAIGN AREAS, POSITION PAPERS | , , , , | Leave a comment