Nupco’s Weblog

Just another WordPress.com weblog

Ang mensahe ni “Ondoy”

Salin ni VFC sa  ‘Ondoy’s’ message , Komentaryo ni Mary Racelis (nailathala sa Philippine Daily Inquirer, Octubre 10, 2009)

Bawat isa ay nagsasabi na ang mga naninirahan sa gilid ng mga ilog ay hindi dapat pahintulutan na bumalik at muling itayo ang kanilang mga bahay. Gayunpaman, ang mga naninirahan doon ay iyon mismo ang eksaktong ginagawa. Bakit? Sila lang ba ay sadyang matigas ang ulo at hindi alintana ang panganib? O mayroon kayang patungkol sa kanilang mga istratehiya upang mabuhay na marami sa atin ay hindi maintindihan?

Ang aking pagbisita sa isang wasak na komunidad sa Tullahan River – sa ilalim ng Quezon City North Fairview Bridge – pagkatapos ng “flash flood” ni Ondoy ay nag-alok ng ilang pananaw. Isang pulutong ng mga opisyal ng barangay sa kanilang mga matitingkad na kulay-asul na uniporme na pinalulutang ng linyang kulay dilaw – isang dramatikong kaibahan sa kupas at mamasa-masang kasuotan ng mga biktima ng baha – ay naglilibot sa paligid ng kung ano ang naiwan sa komunidad. Dalawa sa kanila ay nakapwesto sa isang malaking bato kung saan tanaw ang buong komunidad. Pinagmamasdan ang pulu-pulutong ng mga abalang residente, ang mga opisyal ay mukhang sinisiguradong walang nagaganap na lihim na pagsubok na muling pagtatayo ng bahay.

Ang masigla, marahil hupang tanawin ay nagtatampok ng mga kabataang kababaihan at mga bata na naglalaba ng putikang damit mayroon o walang gamit na sabon, nakalusong sa hangang tuhod na babaw na bahagi sa gilid ng kulay-kape at nagkalat sa basurang ilog. Ang mga batang babae ay nag-aayos ng puwang sa pansamantalang sampayan upang maisampay ang “malilinis” na nilabhan. Ang mga nanay ay nagpapaligo ng mga hubad na sanggol na nanginginig sa tubig na kung saan nagmula ay ayaw nang isipan ng sinuman. Ang mga kalalakihan ay karaniwang nagkukumpuni ng isang bagay – upuan, mesa, lutuan – o simpleng nakaupo sa paligid at nakikipag-usap. Sila marahil ay naghihintay para sa mga taga- barangay na umalis upang maipagpatuloy ang pagkumpuni sa kanilang nasirang tahanan?

Ikinuwento sa amin ni Aling Edna (alyas) kung paanong siya at ang kanyang mga kapitbahay ay tinangkang magtayo ng pansamantalang tirahan sa bakanteng 2.4-hektaryang pribadong lupain sa bandang itaas ng kanilang komunidad. Subalit pagkatapos na pagkatapos nilang maitayo ang mga istruktura ay sinimulang gibain ang mga ito ng mga opisyal ng Barangay. Ito ay pribadong ari-arian, ang sigaw ng mga nag-dedemolis. Daing ni Aling Edna: “Bakit ang ating pamahalaan, pinapayagan ang isang pamilya na magmay-ari ng malawak subalit hindi ginagamit na lupain na malapit sa amin, habang libu-libo kami ditong nagsisikap upang makahanap ng lugar na kung saan maaari kaming magpahinga at magsimula muling mamuhay?”

Paliwanag ng kanilang mga lider: “Sa halos buong taon, mainam na sa mga tao na mamuhay sa may daluyan ng tubig. Kung kami ay may pagpipilian tulad ng malapit na mas maayos na lugar, tiyak na iyon ang aming pipiliin. Subalit wala kaming pagpipilian. Kaya, gagawin namin ang mga pinakamahusay na maaari naming magawa sa pamumuhay dito, nagsusumikap na magkaroon ng isang mas mabuting buhay sa lungsod, mapakain ang aming mga anak at mapag-aral sila. Dumating-umalis ang bagyo, subalit sanay na kami dito. Karaniwang inililikas namin ang mga kababaihan, kabataan at mga matatanda sa eskwelahan hanggang sa humupa ang hangin at ulan. Ang ilan sa amin ay naiiwan upang bantayan ang aming bahay at ari-arian. Kapag maganda na ang panahon, kami ay bumabalik, sinusuri ang mga pinsala at sinisimulan ang paglilinis, subukang manghagilap ng agarang tulong habang itinatayong muli ang aming bahay, at bumalik sa aming hanapbuhay sa lalong madaling panahon. Nasopresa kami ni Ondoy bagaman, tulad ng lahat. Napakabilis na tumaas ang tubig!”

“Danger zone?” Marahil. Subalit ang buhay sa ilog na ito ay hindi kasing mapanganib ng sapilitang relokasyon sa malayong lugar na kung saan ay walang trabaho. Libu-libo kaming itinatambak ng pamahalaan kung saan hindi sapat ang pagkain, tubig, serbisyo sa kalusugan, mga paaralan, sanitasyon, mga ilaw ng kalye, murang transportasyon, ngunit higit sa lahat ay walang hanapbuhay. Hindi kami mabubuhay doon. Gayunpaman, gusto pa rin nila na magbayad kami ng hulog sa mga bahay na halos lahat sa amin ay hindi kayang bayaran at sa una pa man ay hindi namin ginusto.

Ang takot at pagkagimbal na itinanim sa ating lahat ng hagupit ng bagyong Ondoy ay dapat magtulak na sa ating harapin ang may ilang dekada nang tanong ng 3 milyong mga impormal na naninirahan sa Kalakhang Maynila: “Bakit walang lugar sa lungsod na ito para sa amin upang mabuhay ng legal at produktibo bilang masisipag at mararangal na tao? Maaaring kami’y mahirap, ngunit nagbabayad kami ng mga buwis tuwing kami’y may binibiling bagay. At kung wala ang aming mga serbisyo, ang lungsod ay hindi tatakbo!”

Para sa maralita sa kalunsuran, ang manirahan malapit sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay ay sentro sa kanilang istratehiya upang mabuhay. Samakatwid, ang katiyakang manatili sa mismong lugar na kinalalagyan ay nagdidikta ng mas higit na prayoridad kaysa pabahay. Gayunman, iginigiit ng pamahalaan na ang mga pabahay sa mga mahuhusay na nailatag na komunidad ay ang kanilang pangunahing pangangailangan, kahit pa ang mga ito ay nasa labas at malayo sa kalunsuran at walang inihahaing oportunidad sa trabaho. Itinatanghal ng mga opisyal ng programang pabahay ng gobyerno ang mga bilang ng pabahay na ginawa sa Bulacan, Laguna at Cavite na “pagpuno sa kakulangan sa pabahay.” Subalit wala silang sinasabi tungkol sa kahirapang naidulot nila sa libu-libong pamilyang tinanggal nila at inilayo mula sa mga ikinabubuhay sa siyudad para lamang harapin ang walang pang-ekonomiyang katiyakan sa pinaglipatan sa kanila; o tungkol sa mga pamilyang inilayo sa dating tirahan at ang mga karagdagang banta sa dati nang walang katiyakang pamumuhay.

Ang mga NGO at mga organisasyon ng mamamayan, suportado ng United Nations Habitat, ay may ilang dekada nang nagtutulak bilang pinakamakatao at pinakamahusay sa aspetong ekonomiya ang mga panukala ng komunidad para sa katiyakan sa paninirahan sa kanilang lugar mismo at pagsasaayos-pagpapa-unlad ayon sa disenyo ng mga tao, kasabay ng mababang interes sa utang-pabahay na nagpapahintulot sa pa-unti-unting o dahan-dahang pagbabago o pag-unlad ng konstruksyon. Maraming makikitang halimbawa ng matagumpay na iskemang naitulak mula sa paggigiit ng mga mamamayan sa mga lugar na naigawad ayon sa Presidential Proclamation tulad ng Sama-Sama sa Commonwealth, Quezon City, at mga lugar na sakop ng Community Mortgage Program at Homeless People’s Federation of the Philippines. Ang mga pagsisikap ng pribadong sektor gaya ng Gawad Kalinga at Habitat International ay nagpapatibay din sa pangunguna sa kahalagahan ng partisipasyon ng mamamayan.

Kung ang milyun-milyong mga mahihirap na mga Pilipino ay magkaroon ng lugar sa lungsod, ang isang mas malalim na hanay ng mga isyu ay dapat ngayong lumutang. Kaugnay nito ang mga halaga ng lupa, paglalaan ng lupa, konsepto ng pagmamay-ari, pananagutan ng lokal na pamahalaan (LGU) at karapatang manirahan sa lungsod. Pinaaalala sa atin ni Ondoy na oras na upang pag-isipang mabuti at seryosohin ang reporma sa lupa sa kalunsuran.

May mga bakanteng lupain sa maraming mga lungsod na sakop ng Kalakhang Maynila, ngunit ang mga ito ay hindi laan para pabahayan ang mga manggagawang maliliit ang kita. Dumadagdag sa pilipit na sitwasyong ito ang mababang buwis sa mga hindi ginagamit na lupa, papataas na halaga ng lupa, lumang batas-pagmamay-ari at hindi angkop na kaayusan ng mga institusyon.

Ang resulta ay ang padalos-dalos na pagpaplano ng lungsod na naglalaan ng lupa para sa mga “malls”, pang-mayamang tirahang subdibisyon at gamit-pangkomersiyo, na nagbubunsod ng mas mataas na koleksyon ng buwis at, marahil, mas maraming korapsyon habang hindi pinapansin ang mga pangangailangan ng milyun-milyong mga mahihirap na pamilya sa kalunsuran.

Ang kamakailan-lamang na matinding kalamidad ay isang pang-gising para sa mga nasa pamahalaang taga-gawa ng patakaran. Bago ilipat ang mga naninirahan sa tabing-ilog sa mga pabahay sa Bulacan at Laguna, ang mga opisyal ng pamahalaan ay dapat na makinig at pag-usapan ang tunay na opsyon kasama ang ikatlong bahagi ng mamamayan ng Kalakhang Maynila na biktima ng iglap na pagbaha. Ito ay panahon upang linisin ang mga daluyan ng lipunan ng mga bara na nilikha ng luma at hindi angkop na pamamahala at pananaw, at bigyan ng bagong buhay ang ating sarili bilang isang mabilis na agos ng pangunahing puwersa papunta sa repormang panlipunan. Bilang masisipag ngunit hindi pinapansin o animo’y hindi nakikita, ang mga maralita sa kalunsuran ang bumubuo sa ating lakas-paggawa sa kalakhang lungsod. Bilang mamamayang Pilipino, sila ay may karapatan upang mabuhay sa loob nito, tulad ng lahat ng tao. Iyan ang mensahe ni Ondoy.

Advertisements

October 31, 2009 Posted by | Right to the City | , , , | Leave a comment