Nupco’s Weblog

Just another WordPress.com weblog

Ang Pampulitikang Kabuluhan ng Pagkilos para sa Proteksyong Panlipunan

(pananalita ni  VFC Mesina, NUPCO National Council, sa Asembliya ng mga Maralitang Lungsod: “Ang Epekto ng Pandaigdigang Krisis at ang Tugon ng Kilusang Maralita,” Disyembre 2, 2008, PRRM Bldg, QC)

Sa pagtingin ng NUPCO, ang kasalukuyang pandaigdigang krisis pampinansya ay totoong krisis ng sistemang kapitalismo at totoong dadapo sa Pilipinas. Naging tampok sa pandaigdigang usapin ang kabuluhan at kawalan ng tiyak na patutunguhan mga mamamayan sa kapitalismos. Kung ang babagsak ang kapitalismo, sino ang madadaganan? Kumpara sa kung paano umaangkop ang mga taga-Amerika sa krisis ang mga Pilipino ay matagal nang nagtitiis sa kahirapan at sa pagdating pa ng pandaigdigang krisis sa Pilipinas ay mas higit pang mahihirapan.

Hindi naiintindihan ng mamamayan kung ano ang krisis. Malamang ay nagkamali rin sa direksyon kung ano ang tutumbukin at saan dadalhin ang kilusang masa. Mahina ang kilusang masa, patunay nito ang pananatili ni GMA sa poder. Noong mahina si GMA ay mas mahina ang kilusang masa at hindi pinapansin ng gobyerno. Ang dahilan, hanggang ngayon ang pinag-uusapan ay kung paano magsasama-sama, kaninong bandera ang nasa harapan, o kung ilan ang miyembro ng bawat organisasyon.

Ang krisis para maralitang Pilipino ay hindi na bago, papatindihin lang ito ng papadating na krisis. Sa daloy ng pagsasamantala, pinagsasamantalahan ng mayayamang bansa ang mahihirap na bansa. Halimbawa ay kung paano tumatakbo ang ekonomiya ng Estados Unidos sa pamamagitan paghuthot ng pera at yaman mula sa mahihriap na bansang katulad ng Pilipinas. Sa kabilang banda, ang mayayaman at mga local na elitista naman ng mahihirap na bansa ay pinagsasamantalahan ang kanilang mamamayan. Kaya hanggang ngayon ang mayorya ngmga Pilipino ay mahihirap, at patuloy pang humihirap. Ang mamamayan ng mahihirap na bansa ang matagal nang sumasalba sa ekonomiya ng mayayamang bansa na katulad ng Estados Unidos. Pagpasok ng krisis sa Pilipinas ay lalo pang mababaon ang mga mahihirap na Pilipino.

Sa panahon ng krisis ay dapat na maninigil ang mga maralitang Pilipino, bawiin ang inagaw sa atin. Sa paanong pamamaraan? Igiit sa gobyerno na ang mga subsidiyong binibigay ng gobyerno ay mapakinabangan ng lahat ng mahihirap (hal. Rice subsidy, emergency employment) at hindi dapat na gamitin lamang sa pansariling pulitikal na interes. Igiit sa gobyerno ang karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, edukasyon kasama ang akses sa tubig at kuryente. Maghanda para ang mga kahilingan ay mapagtulong-tulongan sa konteksto ng karapatang pantao.

Ang mga kahilingan ay may kinalaman sa mga polisiya. Sa pagharap sa krisis ay kwestyon ng polisiya at adbokasiya, hindi idolohiya. Kailangang makapagsama-sama dahil hindi maabot ang mga kahilingan lkung hiwa-hiwalay, lagpasan muna ang ideolohiya at pagtulong-tulongan mabago ang mga polisiya.

Ano ang mga dapat na tingnan sa krisis?

1. Magkaroon ng proteksyon ang mamamayang madadaganan ng pagbagsak ng ekonomya.

2. Magamit ang krisis bilang oprotunidad sa pagpapalakas ng kilusang masa

3. Maipatampok ang mga isyu an nararapat maibigay sa maralita.

Ang tanong ay kung paano patatampukin ang mga isyu habang nakikipag-usap sa gobyerno. Alam nating may mga ginagawa ang gobyerno na maaring pampropaganda lamang at para makuha ang simpatiya ng mahihirap, pero ginagamit lamang ito para sa kanilang pampulitikang interes. Pero pwede natin itong tuntungan. Hubaran natin ng maskara ang gobyerno ni GMA na ang lahat ng kanyang ginagawa ay ‘pampogi’ lang. At kung sakali mang maibigay nya ito lahat ay dapat na makuha natin ang kredito.

Ang hinahangad natin ay maibalik ang kredibilidad ng kilusang masa bilang tagapagligtas ng mamamayan, at sa puntong makukuha natin ang kredito ay lalakas ang kilusang masa.

Ilang mga taktika. Hindi natin maiiwasang makipag-usap sa pamahalaan, direkta man o hindi. Tuntungan natin ang mga media event ni GMA kung kailan at saan sya namimigay ng mga subsidyo. Gawin din nating media event kung tayo naman ang hihingi ng bahagi ng kanyang subsidyo.

Kailangan natin ng epektibong edukasyon sa mga kinikilusan natin. Maipaunawa sa kanila na an gating hinihingi ay hindi limos kundi mga karapatan. Kailangan din ang media at mga opinion makers, kasama ang simbahan, na silang pinapakinggan ng maraming tao.

Palaparin natin an gating hanay, na syang magbibigay din sa atin gn kredito. Dahil kung tayo, ang mga masa ay nagkakaisa sa mga adhikain kahit sa isang panahon lang, kahit sa panahon lang ng krisis. Ito ay isa nang malaking bagay para sa atin. Sa ngayon ang mahalaga ay kagyat na maibsan ang kahirapan na kayang abutin n gating taktika. Kung may isang lugar na na-proklama ang palupa, o kung may nabigyan ng trabaho, malaking bagay na iyon sa kilusang masa.

Magkaroon tayo ng kontribusyon sa paglakas ng kilusang masa. Kung ibibigay ng pamahalaan ang mga ipinaglalabang agarang solusyon, kahit pansamantala lang ay garantiya ng buhay ng maralita na malayo sa kagutuman at isang hakbang para sa isang makataong pamumuhay sa gitna ng krisis.

Tahanang makatao, sapat na pagkakakitaan, mapakain ang pamilyamapag-aral ang mga anak, ito ang gusto ng mga maralita. Hindi hangad ng maralita ang ang marangyang pamumuhay. Ang tanging hangad ng maralita ay isang makataong pamumuhay.

Advertisements

January 17, 2009 Posted by | Activities with other networks, ACTIVITIES/ACTIONS, POSITION PAPERS | , , | Leave a comment